BOLUNTARYONG sumuko ang anim na lalaking miyembro ng isang pribadong armadong grupo (PAG) kasabay na pagsuko ng kanilang mga armas sa mga otoridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Maguindanao.
Ayon kay Brig. Gen. Samuel Rodriguez, BARMM police director, ang mga sumuko ay mga miyembro ng armadong grupo ng Pananggalan na may operasyon sa mga liblib na lugar sa Maguindanao.
Hindi naman binunyag ang mga pangalan ng PAG members para sa kadahilanang panseguridad,
“They formally surrendered to us on Tuesday afternoon at Camp Gen. Salipada K. Pendatun in Parang, Maguindanao,” ayon kay Rodriguez.
Isinuko ng mga lalaki ang isang mini-Uzi machine pistol, isang homemade na M79 grenade launcher, isang M14 rifle, isang homemade 12-gauge shotgun, isang .50-caliber sniper rifle, at ammunition.
Aniya, sumuko ang mga ito sa pamamagitan ng pinaigting na PNP “Oplan Paglalansag Omega” at “Oplan Salikop” na isinagawa ng mga operatiba ng Police Regional Office- BARMM, na may suporta mula kay Northern Kabuntalan Mayor Ramil Dilangalen.
Pinuri naman ni Rodriguez ang police personnel na nagkumbinsi sa PAG na sumuko at hinikayat naman nito ang iba pang miyembro ng PAG sa Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi na lumabas na at sumuko upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.