MULA sa apat ay anim na lugar na ngayon sa Quezon City ang kasalukuyang isinailalim sa special concern lockdown dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ito ay dulot ng mga nagdaang selebrasyon noong holiday season ayon sa Quezon City government.
Kabilang na ngayon sa granular lockdown ang No. 62 Agno Extension sa Barangay Tatalon; No. 1 Salary Street ng Barangay Sangandaan; No. 54 Interior, Magsalin Street ng Barangay Apolonio Samson; at 9C, 9D, 97 La Felonila Street sa Barangay Damayang Lagi.
Ayon sa Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit o CESU, 275 ang kabuuang bilang ng mga pamilyang naimpeksyon sa naturang mga lugar.
Animnapu ay mula sa Agno Extension sa Barangay Tatalon, lima naman sa Salary Street ng Barangay Sangandaan.
Animnapung pamilya rin ang apektado sa Magsalin Street kung saan labing apat dito ay index cases.
Habang 150 pamilya naman sa La Fenolina Street ang apektado.
Sasailalim ang lahat sa swab testing ngunit kahit may mag-negatibo man ayon kay Dr. Rolly Cruz, ang head ng CESU ay required pa rin na tapusin ang 14-day quarantine.
“All families in these areas will undergo swab testing in order to identify other infected individuals. However, even if they tested negative, all will still have to finish the 14-day mandatory quarantine period to check if they will develop any symptoms during the said period,” ayon kay Cruz.
Nakaraang taon pa ng sinimulan ng lungsod ang granular lockdown sa mga lugar na may naitalang clustering at community transmission.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte naging epektibo ang naturang paraan sa pag-kontrol sa sitwasyon ng bawat apektadong lugar.
Una namang isinailalim sa special concern lockdown noong January 7 at 14 ang MCP HOA at bahagi ng Pingkian 1, Central B ng Barangay Pasong Tamo.
May nakalaang ayuda ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga pamilyang naka-quarantine at mahigpit nila itong minomonitor.
“We are working closely with the affected barangays to ensure that the quarantine period will be properly implemented and that their needs will also be provided,” ayon sa alkalde.
Bagama’t walang eksaktong bilang ng mga naitalang panibagong kaso sa mga naka-lockdown na mga lugar, base sa official Facebook page ng lungsod may 1097 active cases na ito nitong Enero 17.