6 na senador, maging co-author sa muling pagbuhay sa prangkisa ng ABS-CBN

ANIM na mga senador ang pumayag na maging co-author ng panukala na magbubuhay sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation.

Matatandaan na unang inihain ni Senate President Tito Sotto III ang Senate Bill No. 1967 na nais bigyan ang ABS-CBN Network ng 25 taong prangkisa na ibinasura ng Kamara noong Hulyo dahil sa iba’t ibang paglabag.

Ang anim na senador na pumayag na maging co-author ay sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Panfilo Lacson, Sonny Angara, Nancy Binay, Joel Villanueva, at Sherwin Gatchalian.

Ayon kay Villanueva, dapat lamang mabigyan ng prangkisa ang netwrok dahil aniya sa serbisyong ibinigay nito sa taumbayan.

“We all know that ABS-CBN deserves the renewal of its franchise given the service it has rendered to the Filipino people,” pahayag ni Villanueva.

Ang ibang senador ay nagpahayag ng suporta para sa nasabing panukala gaya na lamang nila Sen. Ralph Recto, Francis Kiko Pangilinan, Sen. Grace Poe at Sen. Angara, Minority Leader Franklin Drilon.

“Given the crippling effects of the ABS-CBN shutdown and the need for more news outlets with the widest reach during the raging pandemic, the issue will be given utmost priority as soon as it is referred to the Committee on Public Service,” ayon kay Poe.

Aminado naman si Sen. Angara na dapat munang maipasa ang panukala sa Kamara.

Nang matanong naman sila Sen. Franklin Drilon at Sen Recto kung may pag-asa bang maipasa ang panukala ay sinabi ng mga ito na depende kung makakuha ito ng suporta mula sa Pangulo.

Nanatili namang walang komento ang mga senador na malapit sa pangulo katulad nila Sen. Bong Go.

SMNI NEWS