MAAGAP na rumesponde ang Philippine Coast Guard sa insidente ng pagkalubog ng LCT San Juan Bautista, na naitala sa layong 13.9 nautical miles timog-silangan ng Cresta de Gallo Island, Romblon.
Ayon kay LCDR Sean Jayner Cabral, Commander ng Coast Guard Station Romblon, ligtas at walang nasaktan sa anim na tripulante ng barko, na ngayon ay nasa kustodiya ng PCG Cadiz sa Negros Occidental para sa pangangalaga at imbestigasyon.
Bagamat may kargang humigit-kumulang 2,500 litro ng diesel ang nasabing barko, agad na tiniyak ng Coast Guard na mababa ang banta ng polusyong pangkalikasan sa lugar. Ayon sa Marine Environmental Protection Team ng PCG, mabilis magsawá ang diesel sa dagat dahil ito ay isang light petroleum product.
Tinatayang patungong Masbate ang agos ng tubig, kaya’t maliit ang posibilidad na maapektuhan ang baybayin ng Sibuyan at iba pang bahagi ng Romblon.
Isang aerial search and monitoring ang ikinasa ng CG Aviation Force gamit ang PCG helicopter upang suriin ang kondisyon ng lugar at tiyaking walang tagas o pinsala sa kalikasan.
Patuloy ang monitoring at koordinasyon ng Coast Guard sa mga lokal na awtoridad para sa posibleng recovery operations ng lumubog na barko.