AYON kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. ay maituturing ng best case scenario ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 60-70 percent ng mga Pilipino sa 4th quarter ng 2021 habang maituturing namang worst case scenario kung umabot pa ito hanggang first semester ng 2022.
Ito ang naging pahayag ni Galvez kung saan itinanggi nito ang lumabas na report mula sa intelligence unit ng international weekly newspaper na The Economist kung saan sinabi nito na maaaring matapos ng pamahalaan ang pagbabakuna sa 60% ng mga Pilipino sa 4th quarter ng 2023.
Ani Galvez ay kayang-kayang mabakunahan ang nasa limampu hanggang pitumpung milyong Pilipino ngayong taon basta’t may bakuna.
Ayon sa kalihim ay nasa 55 pa lamang na mga bansa ang nabigyan ng COVID-19 vaccines habang isang porsyento pa lamang ng populasyon sa buong mundo o katumbas ng animnapung milyon katao ang nabakunahan na.
Naniniwala naman ang opisyal na tataas pa ang produksyon ng COVID-19 vaccines lalo na kung magawaran na ang mga ito ng Emergency Use Authorization o EUA.
Samantala, nanawagan naman si Deputy Chief Implementer Sec. Vince Dizon na sana ay maging mabuting halimbawa ang mga influencers sa publiko at pinaalalahanan ang mga ito na sumunod sa proper health protocols.
Kaugnay nito ay sinabi naman ni Health Sec. Francisco Duque III na handa na rin itong magpabakuna kasama ang ibang opisyal ng pamahalaan ngunit nakiusap na sana ay huwag silang dumaan sa matinding pagbabatikos.
Ipinahayag naman ni Sec. Galvez na inaasahan ang pagdating ng nasa isang milyong suplay ng COVID-19 vaccines sa bansa ngayong Pebrero bagama’t nilinaw ng kalihim na uunahin muna ang mga health care workers at frontliners.