60-70% ng populasyon, dapat mabakunahan para makamit ang herd immunity — eksperto

TINATAYANG 60%  hanggang 70%  ng populasyon ang dapat mabakunahan upang makamit ang tinatawag na herd immunity.

Sinabi ni Dr. Charles Yu, Vice-Chancellor, De La Salle Medical and Health Sciences Institute, na kapag mabakunahan na ang 60 to 70 percent, mabibigyan ng proteksyon ang natitirang prosyentong hindi nabakunahan.

Subalit kapag malaking prosyento ng populasyon ang ayaw magpabakuna, sinabi ni Yu na hindi mangyayari ang minimithing herd community.

Bagama’t sinasabi ng pamahalaan na hindi sapilitan ang pagpapabakuna kontra COVID-19, iginiit ng UP expert na okay lang sana ito kung hindi rin makahahawa ang isang indibiwal sa nakapaligid nito.

Kung kaya kahit may duda sa COVID- 19 vaccine, dapat aniyang isipin ng bawat isa na ang pagpapabakuna ay hindi lamang para maproteksyunan ang sarili nito, kundi upang maprotektahan din ang nakararami.

Giit ni Yu, huwag na sanang hintayin na mas lumawak pa ang mga indibidwal na magkakaroon ng impeksyon.

Kaya para kay Dr. Yu, silang mga doktor at iba pang medical professional ay nakahanda mismong magpaturok ng bakuna kontra coronavirus.

Tiwala naman si Presidential Spokesman Harry Roque na kapag makikita ng publiko na una nang nagpabakuna ang mga medical professional ay tataas din ang kumpyansa ng mamamayan sa COVID-19 vaccination.

Kung nais ng bansa na bumalik sa normal, giit ni Yu, kailangang suportahan ng publiko ang mass vaccination ng pamahalaan sabay tiniyak na ligtas at epektibo ang mga binubuong COVID-19 vaccine.

Matatandaang inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na kakayanin ng Pilipinas na makamit ang herd immunity laban sa COVID-19 kung sapat ang suplay ng bakuna.

Kapag kakayanin ng manufacturer, maaaring magkaroon ng herd immunity ngayong taon.

“Kung kakayanin ng mga manufacturer….best case scenario ay makakamit natin ang herd immunity po ngayong taon,” ani Duque.

“Malinaw po ang ating layunin, to have a safe, equitable and cost-effective immunization to all Filipinos by 2023 or earlier when there is enough global supply before 2023,” aniya pa.

Tiniyak naman ng pamahalaan na ginagawa nito ang lahat para makakuha na sapat na suplay na ligtas at epektibong bakuna.

Kaugnay nito, hindi nagbabago ang commitment ni Pangulong Rodrigo Duterte na siguraduhing ligtas, tama at maayos ang national vaccination program mula sa approval, rollout, hanggang sa implementasyon nito.

Hindi mapag-iiwanan ang Pilipinas pagdating sa COVID-19 immunization

Samantala, nangako si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi mapag-iiwanan ang Pilipinas pagdating sa pagbabakuna ng mga mamamayan laban sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa regular press briefing ng Palasyo.

“Kakaunti pa lang pong mga bansa ang nagsisimula. At sa katunayan, dito po sa Asya, India pa lang ang merong na-administer na 806,484 at napakaliit pa lang na porsyento ng kanilang populasyon ang nabakunahan na, 0.06%,” ani Roque.

Bukod rito, ang bansang Israel ang nangungunang bansa na may pinakamarami nang nabakunahan laban sa COVID-19 na umabot na sa mahigit 3.2-M individuals o 35.45%.

Ani Roque, ito ay dahil kaunti lamang ang populasyon ng Israel.

Ang sumunod naman sa Israel ay ang United Arab Emirates na nakapag-bakuna na ng mahigit 2.2-M individuals o 20.9%.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.