60 na dating CTG, nakatanggap ng tulong mula sa TUPAD program—DOLE

60 na dating CTG, nakatanggap ng tulong mula sa TUPAD program—DOLE

NAGBIGAY ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Western Visayas ng emergency employment sa mga communist terrorist group (CTG) na nagbalik loob sa pamahalaan.

Ayon sa DOLE, ito’y bilang suporta sa Executive Order no. 70 na naglalayong wakasan ang armadong tunggalian sa lokalidad at isulong ang kapayapaan sa kanayunan o ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sa pamamagitan ng Negros Occidental Field Office, tumanggap ang 60 na mga dating reblede mula sa Barangay Buenavista, Carabalan, San Antonio, at Mahalang, sa Himamaylan City, Negros Occidental  ng community-based package of assistance na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers O (TUPAD).

Tumanggap ang bawat benepisyaryo ng P4,500 suweldo para sa 10 araw na community service sa kani-kanilang local na komunidad.

Paliwanag ng DOLE na ang tulong na trabaho ay hindi lamang upang bigyan sila ng suportang pinansiyal, kundi upang mas patatagin ang kanilang pagtitiwala sa pamahalaan.

Para matiyak din ang ligtas na kondisyon sa paggawa, binigyan ang mga benepisyaryo ng personal protective equipment (PPE) at Group Personal Accident Insurance (GPAI) ng Government Service Insurance System (GSIS) para sa kanilang insurance coverage.

Ang  TUPAD program ng DOLE ay nagpapatuloy bilang isang community based package of assistance  na nagbibigay ng emergency employment para sa mga displaced workers, underemployed at seasonal workers sa minimum  na 10 araw, ngunit hindi lalampas sa maximum na 30 araw, depende sa uri ng trabahong gagawin.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter