60 patay, daan-daang nawawala sa lumubog na barko sa Congo River

UMABOT sa 60 ang nasawi habang daan-daan pa ang nawawala matapos lumubog ang isang nag-overload na barko sa Congo River.

Ayon kay Democratic Republic of Congo’s humanitarian affairs minister Steve Mbikayi, mahigit sa 700 katao ang lulan ng nasabing barko ngunit 300 pa lamang ang natagpuang buhay sa Mai-Ndombe province ng nasabing bansa.

Lumalayag ang barko mula Kinshasa patungong Mbandaka nitong gabi ng Linggo nang magkaroon ito ng aberya malapit sa bayan ng Longola Ekoti sa Mai-Ndombe.

Dahilan naman ni Mbikayi sa pagkalubog ng barko ang sobrang dami ng pasahero maliban sa problema nito sa night navigation.

Nakikiramay naman ang minister sa mga pamilya ng mga nasawi at nanawagan na panagutin ang sektor sa transportasyon na may kaugnayan sa nasabing trahedya.

SMNI NEWS