600 pulis idi-deploy para sa citywide lockdown ng Navotas City

600 pulis idi-deploy para sa citywide lockdown ng Navotas City

MAGPAKAKALAT na ngayong gabi ng kapulisan ang Navotas Police bilang paghahanda sa gagawing citywide lockdown sa July 16 sa Navotas City bunsod sa tumataas na bilang ng COVID-19 sa lugar.

 

Sa July 15 ang unang plano para simulan ang 14 day- lockdown pero minabuting ilipat na lamang ito sa July 16 ni Mayor Toby Tiangco.

 

“Para lang makapag-prepared lahat, kung may question ma-address kaagad, para ma-clarify lahat,” ayon kay Tiangco.

 

Ayon kay Col. Rolando Balasabas, Hepe ng Navotas Police, makabubuti ang maagang pagdi-deploy ng kapulisan isang araw bago ang lockdown para maging pamilyar sa lugar ang mga augmentation police na idi-deploy sa lungsod.

 

Aniya, na-identify na nila ang mga lugar na dapat bantayan maging ang bawat kalye ay kailangang hindi palalagpasin ng mga otoridad.

 

Nasa 400 Navotas Police naman ang idi-deploy sa mga lugar na madalas puntahan ng tao kagaya ng palengke at fish Port.

 

Magdi-deploy din ng mahigit 200 augmentation police galing sa iba’t- ibang distrito sa Metro Manila para tulungan ang Navotas Police sa pagbabantay sa buong syudad habang gagawin ang 24-hours na monitoring.

 

Sa oras na ipatutupad ang lockdown, ay muling kakailanganin ng mga residente ang quarantine pass na ibinigay sa kanila ng lokal na pamahalaan noon pang Enhanced Community Quarantine.

 

Sa oras na mahuhuli ang isang Navoteño na nasa labas ng bahay at walang quarantine pass, ay dadamputin ito ng mga pulis.

 

Manghuhuli din ang mga pulis ng mga lumalabas ng kanilang mga bahay na wala sa iskedyul na lumabas para makapamili.

 

Tuwing MWF tanging ang mga nakatira lamang sa NBBS Kaunlaran, Bangkulasi, BBS, Navotas East, Sipac Almacen, DaangHari, Tangos North, Tanza 1 samantalang tuwing TTH ang mga nakatira lamang sa NBBS Proper, Dagat Dagatan, NBBN, BBN,Navotas West, San Jose Sab Roque at Tangos South.

 

Nagpaalala si Balasabas  na ang may quarantine holder  lamang ang maaaring lumabas para makabili ng kanilang pangangailangan.

 

Pinapayagan namang makalabas araw-araw ang mga nagtatrabaho habang  mahigpit na hindi pinapayagan na lumabas sa bahay ang mga senior citizen at mga bata.

 

Mahigpit na hindi makapapasok sa lungsod ang non-residents ng lugar maliban na lamang kung ang mga ito ay frontliners, empleyado o nagtatrabaho sa loob ng lungsod.

 

Tiniyak naman ni NCRPO Chief Debold Sinas na sasapat ang idi-deploy nilang mga pulis para sa city wide lockdown sa Navotas.

 

Ayon kay Sinas, magpapadala sila ng iba’t-ibang kagamitan kagaya ng drone para i-monitor ang aktibidad ng mga tao sa nasabing lugar.

 

Sa kabila nito, sinabi din ni NCRPO Chief Debold Sinas na sakaling magkakasabay-sabay ang localize lockdown ng mga LGU  sa Metro Manila ay nakahanda aniya ang kapulisan na tumulong.

 

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.