INAABANGAN na ngayon ng sambayanang Pilipino ang ikalawang State of the Nation Adress (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa pamamagitan kasi nito ay malalaman ng mga Pilipino kung nasa tamang landas ba o naaayon sa plano ng Pangulo ng bansa ang tinatahak tungo sa kaunlaran ng bawat mamamayan.
At kabilang sa mga hindi mawawala ay ang mga grupo na nagsasagawa ng mga kilos protesta laban sa pamahalaan, mga grupo na nagpapahayag ng kanilang pagkadismaya na sa tingin nilang maling ginagawa ng gobyerno.
Kaya naman nakahanda na ngayon ang buong puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) upang magbigay ng seguridad at mapanatili ang peace and order sa panahon ng SONA.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay PBGen. Nicolas Torre III, sinabi nito na aabot sa 6,000 police personnel ang nakahandang ideploy ng QCPD sa napipintong SONA ni Pangulong Marcos.
Sa nasabing bilang 2,000 police mula sa QCPD, 3,000 mula sa ibang units habang ang 1,000 naman ay binubuo ng ibang government agencies.
Nilinaw naman ng pinuno ng QCPD na hindi mapapabayaan ang ibang aspeto ng kanilang trabaho kahit pa nakatutok ang malaking porsiyento ng kanilang puwersa sa darating na SONA.
Sinabi rin ni PBGen. Torre na hindi magiging freedom park ang mga pagdarausan ng rally.
Ibig sabihin, kailangan kumuha muna ng permit ang mga grupong nais mag-rally sa panahon ng SONA.
Ngunit sa ngayon aniya ay hindi pa nila masabi kung ilan o gaano kadami ang mga magsasagawa ng rally dahil wala pa silang nakikitang grupo na nagsumite ng mga papeles na humihingi ng permiso na mag-rally.
Samantala, sinabi rin ni PBGen. Torre na malaki ang naitulong ng programa ng SMNI partikular na ang programang Laban Kasama ang Bayan upang mapahina at mabawasan ang puwersa ng mga makakaliwang grupo.
Ngunit ganun pa man kahit mahina na ay hindi pa rin ibababa ng mga awtoridad ang kanilang alerto laban sa mga makakaliwang grupo.
Sa huli, kumpiyansa ang buong pamunuan ng QCPD sa pangunguna ni PBGen. Nicolas Torre na magiging mapayapa at ligtas ang darating na SONA ni Pangulong Marcos dahil kakaunti na lang ang bilang ng mga makakaliwang grupo.
Dagdag pa ni PBGen. Torre na nagsalita na ang taong bayan noong nakaraang halalan kaya dapat itong respetuhin at magkaisa para sa bayan.