NAKUMPLETO ng 61 dating New People’s Army (NPA) ang tatlong araw na livelihood skills training ayon sa isang Army official.
Ayon kay 1Lt. Roel T. Maglalang, civil-military operations officer ng 23rd Infantry Battalion (12IB), ang nasabing mga trainees ay dating mga rebelde na sumuko noong 2019 hanggang sa mga unang bahagi ng taong ito.
“The activity was conducted from March 16 until 18 through the efforts of the 23IB, the provincial government of Agusan del Norte, the office of Agusan del Norte District Rep. Maria Angelica Amante-Matba, and the Department of Education, “ ayon kay Maglalang.
Isinagawa ang aktibidad sa 23IB headquarters sa Barangay Alubijid, Buenavista, Agusan del Norte.
Ayon kay Maglalang, ang naturang pagsasanay ay bahagi ng Alternative Learning System ng DepEd-ADN at ng Indigenous People Education IPED program na layuning magbigay ng pagbabago at edukasyon sa mga dating rebelde sa lugar.
Aniya, pinapipili ang mga dating rebelde sa sampung magkaibang skills training – basket making, baking, food processing, wellness massage, beauty care, welding, electrical installation, skirting, landscaping, at t-shirt printing.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Lt. Co. Julius Cesar C. Paulo, 23IB commander, sa mga dating rebelde sa kooperasyon at dedikasyon ng mga ito.
Ayon kay Paulo, nagpakita ng interes ang mga dating rebelde sa mga training activity at maaari aniya itong maging simula ng pag-unlad ng kanilang buhay.