EPEKTIBO Nobyembre 25, 2024 nang isagawa ang mass reassignment o pag-relieve sa puwesto ng nasa 65 tauhan ng PNP Davao Region at pinabiyahe ito sa malaking bahagi ng Luzon.
Isang mass reassignment ang ipinatupad ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng kumpas ni Police General Rommel Francisco Marbil.
Batay sa nasabing Special Orders mula sa Kampo Krame, inilipat ang ang nasa 65 PNP personnel na kinabibilangan ng Police Commissioned Officers (PCO) at 63 Police Non-Commissioned Officer (PNCO) sa magkakaibang lugar.
Kabilang sa PCO ang isang chief inspector, dalawang senior inspector at isang inspector habang sa PNCO, kabilang ang apat na senior police officer 4 (SPO4), apat na SPO3, anim na SPO2, siyam na SPO1, 14 na PO3, 14 na PO2 at 12 na PO1
Ang naturang bilang ay bumiyahe na patungong MIMAROPA, Tuguegarao, Cordillera Autonomous Region at sa Bicol Region.
Wala pang malinaw na paliwanag ang PNP hinggil sa nasabing mass reassignment.
Sa kabilang banda, wala pa namang inuutos ang pamunuan ng PNP para sa pagtataas ng alerto nito sa buong bansa kasunod ng banta sa seguridad ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., dahil sa diumano’y tinuran ni Vice President Sara Duterte laban sa Presidente oras na may masamang mangyari sa kaniya.
Bagay na pinasinungalingan ng Pangalawang Pangulo at sinabing wala siyang sinabing assassination na nakadirekta sa Pangulo, asawa nitong si Liza Marcos, at kay Martin Romualdez.
Ani VP Sara, wala siyang binanggit na salitang Assassin o Murder plot laban kina Marcos Jr. at iba pa.
Giit pa ng pangalawang pangulo, hindi siya kundi ang Pamilya Marcos mismo ang may rekord ng pamamaslang sa sinumang tumutuligsa sa kanilang pamilya.
AFP, handang makipagtulungan sa imbestigasyon ng Confidential Funds sa tanggapan ni VP Sara Duterte
Samantala, tiniyak naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa House of Representatives (HoR) na makikipagtulungan ito sa nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay ito sa paggamit ng Confidential Fund ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Padilla na handa nilang iharap sina Col. Reymund Dante Lachica at LtCol. Dennis Nolasco sakaling kailanganin ang mga ito na nadadawit dahil sa diumano’y pagkubra ng Confidential Funds ng Pangalawang Pangulo.
Si Lachica ay kinumpirma ng AFP bilang kasalukuyang Commander ng VPSPG na kasalukuyang na “schooling”
Sa ngayon, may gumugulong na rin na internal investigation ang AFP sa usapin at wala pang resulta ukol dito.