TUTUTUKAN ngayon ng 6th Infantry Division ng Philippine Army na magkaroon ng mga forum at peace covenant sa pagitan ng mga kandidatong politiko sa kanilang nasasakupan. Ang nasabing hakbang ay naglalayong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga lugar na kanilang sakop ngayong darating na halalan. Kaugnay nito, puspusan na ang ginagawang paghahanda ng 6th ID para sa halalan sa 2025.
Mabilis lang lumipas ang panahon. Hindi natin namalayan na natapos na pala ang taong 2024 kaya naman ang bawat Pilipino o maging ano-mang grupo, organisasyon at ahensiya ng gobyerno ay naghahanda na para sa panibagong yugto ngayong taong 2025.
Ang 6th Infantry Division ng Philippine Army ay abala sa mga ginagawang hakbang para maging maayos at payapa ang nalalapit na halalan ngayong taon.
Sa panayam ng SMNI News kay LtCol. Roden Orbon, spokesperson ng 6ID at commanding officer ng 6th Civil Military Operations Battalion, puspusan na ang kanilang ginagawang paghahanda para sa nasabing eleksyon simula pa noong nakaraang taon.
“Actually as early as fourth quarter ng 2024, pinaghahandaan na natin itong paparating na election period ng 2025. marami na tayong ginagawang mga preparation at the same time mga initial actions regarding dito sa paparating nga na election period natin,” ayon kay LtCol. Roden Orbon Spokesperson, Commanding Officer 6th CMO, 6th ID, PA.
Aniya, bago pa nito ay nagsagawa na sila ng Joint Peace and Security Coordinating Centers (JPSCC) na kung saan kasama ang COMELEC, PNP, AFP at ibang law enforcement agencies at mga volunteer groups para pag-usapan ang paghahanda sa eleksyon at bago pa umano matapos ang buwan ng enero ay magsasagwa sila ulit ng meeting.
Kasunod nito tinutukoy na rin nila ang mga lugar na posibleng ideklara bilang election hotspot.
“Meron din tayong ginagawa na mga profiling at identifying yong mga areas with potential election security related concerns inaalam natin yong mga ares na pwede nating ituturing na high risk. So far, wala pa naman kaming official na naire-release sapagkat yong pagde-determine kasi nito itong mga areas of ceoncern ay jointly ng ating PNP at ng AFP. So far wala pa even though may mga initial na kaming mga na indentify na mga areas na dapat naming pokusan,” saad ni LtCol. Roden Orbon.
Pinagpalanohan din anila ang deployment ng kanilang pwersa kung papaano ito ilalatag bago at hanggang matapos ang halalan at higit sa lahat bilang parte ng paghahanda ay tututukan nila ang pagsasagawa ng mga forum at mga peace covenant sa pagitan ng mga kandidatong pulitiko sa kanilang lugar na makakatulong para sa isang mapayapa at maayos na eleksyon.
“Ito talaga yong ipa-prioritize ng ating 6th infantry kampilan division ‘yong pagka-conduct ng candidates forum as tsaka peace covenants kung saan hihikayatin natin, i-invite natin ‘yong ating mga political candidate including thier respective supporters na makiisa para masiguro yong kapayapaan at kaayusan nitong election period,” ani Orbon.
Kung matatandaan, sakop ng 6th Infantry Division ang mga lugar kagaya ng Maguindanao Del Sur, Cotabato, at Sultan Kudarat na kung saan may mga naitalang shooting incident nitong nakaraang taon.