NASAWI sa operasyon ng militar at pulisya sa Maguindanao del Sur ang 7 Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Nasawi ang 7 miyembro ng (BIFF) Karialan Faction sa joint law enforcement operation ng militar at pulisya sa Brgy. Damawato, Datu Paglas, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Joint Task Force Central Commander Major Gen. Alex Rillera, nangyari ang engkuwentro nang ipatutupad sana ang search warrant laban kina Yussef Hussain, alyas Tutin Usop at Nurjihad Husain, alyas Datdat Usop dahil sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Pinaputukan aniya sila ng hindi mabatid na bilang ng miyembro ng BIFF.
Agad na gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkasawi ng mga terorista kabilang ang dalawang subject ng search warrant.
Habang sugatan ang isang pulis na isinugod sa ospital sa Tacurong City.
Narekober sa encounter site ang 1 Uzi submachine gun, 2 M16 rifle, 3 cal .45 pistol, at samu’t saring bala.
Pinuri ni AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) Com. Lt. Gen. Roy Galido ang tropa ng Joint Task Force Central sa matagumpay na operasyon.