7 Chinese vessels sa Philippine EEZ, pinalayas ng PCG

7 Chinese vessels sa Philippine EEZ, pinalayas ng PCG

PINAALIS ng Philippine Coast Guard BRP Cabra (MRRV-4409) ang pitong Chinese vessels sa bahagi ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ).

Sinita sa pamamagitan   ng radio communication habang kasagsagang isinasagawa ang joint maritime exercise ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Sabina Shoal noong Abril 27, 2021.

Matatagpuan ang Sabina Shoal sa bahagi ng  humigit-kumulang 73 milya mula sa Mapankal Point, Rizal, Palawan.

Ayon sa tagapagsalita ng PCG na si Lt. Commodore Armando Balilo, bandang 9:00 ng umaga nang namataan ng BRP Cabra, MCS-3002, at MCS-3004 ang pitong ‘unidentified foreign vessel’ na naka-angkla sa gitna ng karagatan.

 “This is Philippine Coast Guard BRP Cabra (MRRV-4409). You are within Philippine Exclusive Economic Zone. You are requested to provide the following: name of vessel, intention, last and next port of call on Channel 16,” panawagan mula sa radio communication ng PCG sa nasabing mga barko.

Ngunit kalaunan ay napag-alamang mga China Maritime Militia Vessel ang mga nasabing barko (CMMV).

Sa pamamagitan ng radio, nakipagkomunikasyon ang PCG sa mga ito para ipahayag na ang Sabina Shoal ay bahagi ng EEZ ng Pilipinas.

Ngunit nang hindi makasagot ang mga nasabing barko makalipas ang tatlong beses na pagsita ay walang alinlangan na nilapitan ng PCG  ang mga CMMV kung kaya wala nang magawa ang mga ito at nilisan ang bisinidad.

Ngunit hindi lang hanggang doon ang ginawa ng PCG, dahil para masiguro na talagang lilisanin nila ang lugar ay sinundan ito ng PCG at BFAR ang paglalayag ng mga barko para masigurong tuluyang aalis ang mga CMMV sa Sabina Shoal na sakop ng bansa.

(BASAHIN: Pagpapatayo ng imprastraktura sa West Philippine Sea, napapanahon na —Sobejana)

SMNI NEWS