MAAARI na lamang sumailalim sa 7-day quarantine period ang mga indibidwal na fully vaccinated na nanggaling sa ibang bansa simula sa Hulyo 1.
Matatandaan na naunang ipinatupad ang mas pinaikling quarantine period para lamang sa mga may kumpletong bakuna sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, para naman sa mga nakatanggap ng kumpletong bakuna sa labas ng Pilipinas, kinakailangan ay dala ang opisyal na dokumentong nagsasabi na nabakunahan na ang mga ito.
Ani Roque, ang mga dokumento ng biyahero ay kailangang validated ng Philippine Overseas Labor Officer (POLO) o maaaring magpresenta ang mga ito ng International Certificate of Vaccination.
Samantala, sinabi rin ni Roque na ang listahan ng mga “low-risk” countries ay ilalabas din ng Department of Health sa lalong madaling panahon.
Travel ban sa mga bansang may ‘Delta’ variant, pinalawig pa
Samantala, pinalawig pa ng Pilipinas ang travel ban sa mga bansang may mga kaso ng ‘Delta’ variant ng COVID-19.
Ayon kay Roque, mananatili ang travel ban sa United Arab Emirates, Oman, India, Pakistan, Sri Lanka, Nepal at Bangladesh hanggang Hulyo 15.
Ito na ang ikaapat na beses na pinalawig ang travel restriction sa pitong bansa upang mapigilan ang pagkalat ng mas nakakahawang Delta coronavirus sa bansa.
Sa ilalim ng kasalukuyang IATF policy, tanging ang repatriation flights na ginagawa ng gobyerno at private agencies ang pinapayagan mula sa mga bansa na nasa ilalim ng travel ban.
BASAHIN: DOH 7 susundin ang polisiya ng IATF para sa OFWs, ROFs