7-M target para sa Bayanihan Bakunahan II, tiwalang maaabot sa kabila ng Bagyong Odette

SINUSPENDE ang pagsasagawa ng Bayanihan Bakunahan II sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao dahil sa Bagyong Odette.

Aminado ang National Vaccination Operation Center, na napakalaking hamon ang Bagyong Odette para maabot ang target na pitong milyon sa ikalawang yugto ng National Vaccination Drive.

“Ang unang-unang napakalaking challenge natin nga itong bagyo, hindi natin alam kung saan tatahak iyan tapos kagaya ng pinapabalita ninyo, napakalawak ng kaniyang coverage so we do not know kung sino ang ma-hit ‘no. So some decided to go on although not as massive. Iyon lang naman ang unang araw na nakita nating problema,” pahayag ni Usec. Myrna Cabotaje, chairperson, National Vaccination Operations Office.

Batay sa ulat ni Usec Cabotaje, nasa 338 out of 1634 na lungsod at munisipalidad ang hindi nakapagbakuna dulot ng bagyo.

Nasa 953,624 lang ang nabakunahan sa unang araw ng National Vaccination Drive.

Pinakamaraming nabakunahan sa CALABARZON na sinundan ng Central Luzon at Ilocos Region.

Naiintindihan naman ito ng National Task Force Against COVID-19 na kadalasan sa mga LGU sa Visayas at Mindanao ay naghahanda sa pananalasa ni Bagyong Odette.

Sa kabila ng pagpapaliban sa ilang Bayanihan Bakunahan II sa Visayas at Mindanao dahil sa bagyo, tiwala pa rin ang pamahalaan na maabot ang total target.

“We are confident na makakamit natin iyong ating seven million. Ipu-push lang iyong iba, iyong iba nga medyo nag-menor dahil sa typhoon. So, we will reach seven million by the end of December 22,” ayon kay Cabotaje.

SMNI NEWS