7 malalaking transport groups, hindi sasama sa nationwide strike; Transportasyon, tiniyak na hindi mapaparalisa ngayong araw

7 malalaking transport groups, hindi sasama sa nationwide strike; Transportasyon, tiniyak na hindi mapaparalisa ngayong araw

TINIYAK ng pitong pangunahing transport groups na hindi mapaparalisa ang sektor ng transportasyon ngayon araw.

Ito’y dahil sa planong nationwide strike ngayong lunes ng grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at laborers para sa karapatan sa paggawa o manibela kung saan sinasabing mahigit sa 200,000 traditional jeepneys ang inaasahang kasama.

Matatandaan na inirereklamo ng makakaliwang grupo ang umano’y korapsyon sa sektor ng transportasyon at nanawagan na ipagpaliban at i-review ang Public Utility Vehicle Modernization Program.

Sa kabilang banda, nanawagan naman si Pasang Masda President Obet Martin sa lahat ng miyembro ng kanilang grupo na huwag makisali sa transport strike bagkus ay maging kaisa ng gobyerno sa pagpapaunlad ng transportasyon sa buong bansa.

Sa pahayag ni Department Of Interior And Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, 95% ng mga miyembro ng pitong grupo sa buong bansa ay nangakong hindi sasama sa planong protesta.

Sa kabila nito, magdedeploy pa rin ng mga tauhan ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development authority (MMDA) para tumulong sa posibleng maapektuhan ng transport strike ng grupong manibela.

Ang pitong transport group na ito na tinawag na ‘Magnificent 7’ ay ang Pasang Masda, Alliance Of Transport Operators And Drivers Association Of The Philippines (ALTODAP), pagkakaisa ng mga samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide o Piston, Alliance Of Concerned Transport Organizations (ACTO), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of The Philippines (FEJODAP), Stop and Go Transport Coalition, at ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP).

 

Follow SMNI NEWS on Twitter