NASA pitong mga pangalan ng matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng ikonsidera bilang susunod na hepe ng Pambansang Pulisya.
Ito’y matapos na kumpirmahin ng PNP ang nakatakdang retirement ni PNP chief General Acorda sa susunod na buwan.
Nauna nang sinabi ni Acorda kasunod ng ibinigay na testimonial parade ng PMA nitong weekend na mayroon na siyang listahan ng mga potensiyal na kandidato na isusumite nito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., bilang appointing authority kung sino ang susunod na magiging pinuno ng mahigit 200 libong kapulisan.
Sa panayam ng media kay PNP PIO chief Col. Jean Fajardo, bagama’t may mga pangalan na maaaring lumutang para maging susunod na pinuno ng PNP, pero tanging ang Pangulo lamang ang may kapangyarihan na pumili sa sinumang maibigan nito.
Kasabay ng paglilinaw na hindi sa seniority ang magiging basehan ng pagpili ng Pangulo sa iiwanang posisyon ng kasalukuyang pinuno ng PNP.
Ilan sa mga matutunog na pangalan na maaaring mapagpilian bilang susunod na PNP chief ay sina Deputy Chief for Administration LtGen. Rhodel Sermonia, Deputy Chief for Operations LtGen. Michael John Dubria, Chief Directorial Staff LtGen. Emmanuel Peralta, Criminal Investigation and, Detective Group Chief PMGen. Romeo Caramat, NCRPO Chief Police BGen. Melencio Nartatez Jr., Director for Comptrollership BGen. Rommel Francisco Marbil at PNP DICTM Director PMGen. Bernard Banac.