BILANG na ang araw ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) dahil hanggang ngayong 2024 na lamang ang kanilang operasyon.
Sa press briefing sa Malakanyang nitong Miyerkules, sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman and Chief Executive Officer Alejandro Tengco na ire-revoke ang lisensya ng mga natitirang POGOs sa Disyembre 15.
Inihayag naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na personal niyang pangangasiwaan ang pagsasara ng isang POGO hub sa Island Cove sa Kawit, Cavite sa a-kinse pa rin ng buwang ito.
Nang inanunsyo ang pagbabawal ng mga POGO, ang natitira na lang na may lisensiya sa PAGCOR ay humigit-kumulang sa animnapu.
Ito ay mula sa mahigit 300 POGOs at internet gaming licensees o IGLs na nabigyan ng lisensya bago ang naturang anunsyo.
Sa ngayon, pitong POGO na lang ang may aktibong lisensya ng PAGCOR.
‘’I just want to make this clear, they are going through the process. Sumulat na rin po sila. Ang sinasabi ko po kanina, ito na pong mga sinara natin ang siyang naproseso na ang kanilang pagsasara. So, ito pong natitira sa haba po ng listahan ay ongoing pa po ang pagproseso,’’ ayon kay Alejandro Tengco Chairman & CEO, PAGCOR.
Nilinaw ng PAGCOR na walang magiging renewal ng permit ng POGO para sa susunod na taon o pagtungtong ng Enero 1.
Binalaan naman ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz ang mga nagtatangkang magpatakbo pa rin ng POGO sa 2025 na huhulihin na sila ng mga awtoridad.
‘’By January, talagang kakalat iyan at iyon ang… – sa pakikipagtulungan namin sa DILG, magdyo-join na siyempre ang local government units, ang PNP and PAGCOR, of course, at saka iyong PAOCC para mahuli na namin ito,’’ saad ni Usec. Gilbert Cruz.
Nagbigay naman ng update si DILG Secretary Remulla tungkol sa kalagayan ng mga dayuhang manggagawa ng mga POGO.
Aniya, mahigit 6,000 foreign POGO workers pa rin daw ang nasa bansa kung saan 5,731 ang nag-apply ng downgrade ng kanilang visa mula sa working visa, na ginawa nang tourist visa.
Mayroon na lamang higit isang libo na wala pang detalye o hindi pa nakapag-aplay dito.
Inutusan na ngayon ang mga dating operator na makipag-coordinate sa Bureau of Immigration (BI) para i-downgrade ang kanilang work visa.
Samantala, maglalabas naman ang DILG ng kautusan para i-require ang mga local government unit (LGU) na isumbong ang mga kahina-hinalang aktibidad kaugnay ng posibleng galaw o setup ng POGO sa kanilang lokalidad
Sambit ng kalihim, inalerto na nila ang 28 local chief executives patungkol dito.
‘’Malalaman iyan sa spike bigla ng bandwidth use, entry of suspicious people congregating in houses not registered as businesses, makikita iyan sa movement ng mga foreigners na gustong mag-setup diyan na hindi naman kilala. So, they are enjoined to report immediately sa amin,’’ ani Sec. Jonvic Remulla.
Sa kabilang dako, ipinahayag ng Pagcor na inaasahang hindi bababa sa P20 bilyon ang mawawala sa gobyerno taun-taon sa inaasahang pagsara ng mga POGO.
Nilinaw naman ng DILG na ayon sa NEDA, hindi raw magkakaroon ng malaking epekto sa ekonomiya ang total closure ng Philippine offshore gaming operators sa bansa.
‘’As per NEDA, .25 of 1% of total GDP ang naapektuhan. We don’t see a significant dent sa economy natin. I think, mami-make up naman iyan sa mga iba pang mga revenue enhancing measures ng Department of Finance,’’ saad ni Sec. Remulla.