ARESTADO ang walong suspek sa kasong extortion sa Pampanga.
Pito rito ay pawang mga pulis.
Nasa kostudiya na ngayon ng Philippine National Police (PNP) Headquarters sa Kampo Krame ang walong suspek sa kasong extortion at illegal detention sa 13 indibidwal Angeles City, Pampanga nitong Mayo 28.
Kinilala ang mga sangkot na pulis na sina Maj. Marvin Aquino na station’s police chief; M/Sgt. Romulo Meligrito, S/Sgts. Nikko Dave Marquez, Mark Steven Sison at Corporals. Richard Gozum, Diosdado Villamor Jr. at Jaypee Mangilit at ang kanilang civilian asset na si Esmael Arviola.
Nag-ugat ang reklamo matapos dumulog sa Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang kaanak ng nahuling drug offender dahil kinikikilan umano sila ng P30,000 kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso laban sa suspek.
Sa panayam ng media araw ng Lunes, Hunyo 5, 2023 kay PNP-IMEG Director Police Brigadier General Warren de Leon, iginiit nito na maraming iregularidad na napansin ang PNP sa operasyon ng mga pulis.
Sa mas malalim pa na pagsisiyasat ng IMEG, napag-alaman na lima sa pito ay dati nang naharap sa reklamong “neglect of duty” pero nakabalik din matapos mapagsilbihan ang suspensiyon.
Kaagad na sinibak sa puwesto ang pitong pulis na kasalukuyang nakapiit sa IMEG custodial facility sa Camp Crame.
Nahaharap din ang mga suspek sa reklamong arbitrary detention at unlawful arrest.
Samantala, dahil sa insidente, isang malawakang inspeksiyon sa custodial facilities ang ipatutupad ng PNP anumang araw mula ngayon.
Ito ay para alamin kung may iregularidad sa pagkulong ng mga suspek sa kanilang nasasakupan.
Ani Acorda na hindi nila kukunsintehin ang maling gawain ng kanilang mga tauhan kabilang ang pag-aresto at pagkulong nang walang basehan.