7 Senador, binawi ang pirma sa Sex Education Bill ni Hontiveros

7 Senador, binawi ang pirma sa Sex Education Bill ni Hontiveros

PATULOY na dumadami ang bilang ng mga senador na binabawi ang kanilang suporta sa Senate Bill 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2023 na isinusulong ni Risa Hontiveros sa Senado.

Sa isang liham kay Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero, ay hiniling nina Senador JV Ejercito, Nancy Binay, Cynthia Villar, at Bong Go na binabawi na nila ang kanilang pirma sa committee report ng nasabing panukala, na ang ibig sabihin ay binabawi na nila ang kanilang suporta dito.

“In light of the recent feedback and numerous concerns raised on Senate Bill No. 1979…we respectfully request the withdrawal of our signatures from the said committee report.”

Sina Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla ay lumiham din kay Escudero para bawiin ang kanilang pirma sa nasabing panukalang batas.

Sinabi ni Estrada na binabawi na niya ang suporta sa iminungkahing batas matapos suriin ang “sentimento at matinding mga alalahanin ng iba’t ibang pribadong organisasyon na mariing tumutol dito.”

Si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ay binawi rin ang kanyang suporta sa pamamagitan ng isang liham kay Escudero, dahil aniya “posibleng alanganin ang kalalabasan” kung maisasabatas ang naturang panukala.

Ayon pa kay Revilla, ang “Ilang aspeto ng iminungkahing batas ay nangangailangan pa ng masusing pagsusuri upang higit na umangkop sa kanyang mga adbokasiya.”

Noong Martes, sinabi ni Revilla na ang SB 1979 ay naglalaman ng mga probisyon na hindi kasama sa SB 1209, na siya mismo ang may-akda.

“The version I filed aimed to create an institutional framework to protect children from bastardized concepts of sex, perversity, and vulgarity that contribute to adolescent pregnancy while also ensuring state support for adolescent parents so their children grow up healthy,” ayon kay Sen. Ramon “Bong” Revilla.

Maging si Senadora Loren Legarda ay binabawi na rin ang kanyang pirma sa committee report ng SB 1979.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Senadora Imee Marcos, may akda ng isa pang panukala ngunit isinailalim sa SB 1979, na masyado pang maaga para bawiin ang kanyang pirma o suporta sa panukala ni Hontiveros.

Ipinunto ni Marcos na mahaba pa ang proseso bago maisabatas ang nasabing panukala.

“Hindi ko alam kung bakit may alarmist mode. Bakit ‘yung ibang nagte-text? Huwag kayo matakot, hindi pa ito tapos. Mahaba pa ang proseso; may interpellation, may amendment pa,” saad naman ni Sen. Imee Marcos.

Sa kabila ng mga sinabi ng mga senador, inilahad naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi pa niya nababasa ang liham ng kanyang mga kapwa mambabatas.

Pero sa nakaraang linggo, ay una nang naghayag ng pag-aalinlangan sa panukalang batas ni Hontiveros si Escudero, Senador Migz Zubiri, at Joel Villanueva.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble