Mahigit na 70% trust rating ni PRRD sa pagtatapos ng kaniyang termino, makasaysayan sa buong mundo – political analyst

Mahigit na 70% trust rating ni PRRD sa pagtatapos ng kaniyang termino, makasaysayan sa buong mundo – political analyst

PARA sa isang analyst na si Professor Austin Ong, makasaysayan ang mahigit na 70% na  approval trust rating ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa nalalapit niyang pagbaba sa pwesto.

Sa kabila ng mga sinasabi ng mga kritiko na  isang diktador umano si Pangulong Duterte, ay hindi maikakaila na naging mataas pa rin ang approval trust rating ng Punong Ehekutibo.

Ipinakita aniya ng Pangulo na kayang gawin sa loob ng 6 na taon ang mga programa para sa mga Pilipino.

Anito itinaas ng Pangulo ang standard sa pagbibigay ng serbisyo publiko.

Ilan aniya sa mga achievements ng Pangulo ay ang pagbaba ng crime rates sa bansa na bumaba umano sa 40-50 percent bago pa ang pandemya.

Naipasa rin aniya sa ilalim ng Duterte admin ang mga batas na magpapapaunlad ng basic education at health care ng bansa.

Tumaas din aniya ang tax revenue ng bansa kahit pa tinanggalan ng tax ang mga basic earner at dahil ito sa epektibong economic reform na isinulong ng kaniyang administrasyon.

Pati aniya ang pinakamasamang epekto ng pandemic ay naiwasan ng bansa dahil sa magandang pamamalakad ni Pangulong Duterte at sa independent foreign policy nito ay agad na nakakuha ng bakuna kontra COVID-19 ang bansa.

Hindi rin aniya maikakaila ang napagtagumpayan ng Duterte admin sa kaniyang infrastructure projects maging ang validity ng passport ay napahaba sa ilalim ng Duterte admin na malaking bagay para sa mga OFW.

“President Duterte really set the bar high, hindi lang ‘yan, pinakita niya sa six years na kaya pala. Maraming mga promise, maraming mga sinasabi yong mga previous leaders na gagawin nila, of course may kasabihan nga na one term six years is too long for a bad president but too short for a good president,” ayon kay Ong.

Isinasantabi rin naman ni Ong ang ilan pang mga sinasabi ng kritiko gaya ng bastos at prangka raw magsalita ang Pangulo.

Ayon kay Ong hindi raw maiiwasan ito lalo pa’t lumaki sa Mindanao si Pangulong Duterte.

At sa kabila ng mga kritisismo, ang maganda aniya ay hindi napipikon at kayang dalhin ng Pangulo ang mga puna sa kaniyang administrasyon.

Aminado naman ito na may mga pangako si Pangulong Duterte na hindi natupad na inamin naman ng Pangulo gaya na lamang ng pag-aalis ng droga sa loob ng 6 na buwan.

Pero ang maganda aniya dito ay maraming mga Pilipino na lulong sa droga ang naipagamot ng gobyerno at maraming nasampolang mga awtoridad dahil sa pang-aabuso.

Sa Hunyo 30 ay bababa na sa pwesto ang Pangulo at marami na sa mga Pilipino ngayon ang nagbibigay ng tribute para sa Presidente.

Sa katunayan trending sa social media ang tagline na “Salamat Mahal na Pangulo.”

Follow SMNI News on Twitter