700-k doses ng AstraZeneca vaccine na donasyon ng Australia, dumating na sa bansa

DUMATING na sa bansa ang karagdagang 700-k doses ng AstraZeneca vaccine na donasyon ng Australia governments.

Ang mga naturang bakuna ay bahagi sa 2.2 milyong doses na donasyon ng Australia sa Pilipinas.

Pasado 10:00 ng umaga nang dumating ang eroplano ng Cathay Pacific sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport kung saan sakay ang 700,000 doses ng AstraZeneca vaccines.

Ang mga bakunang donasyon na dumating sa bansa ay ginawa mismo sa Australia.

Sa 3.6 milyong doses ng bakuna mula sa Australia ang 2.2 million doses dito ay donasyon at ang 1.4 million doses ay binili ng pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng UNICEF.

Ayon din kay National Task Force against COVID-19 Chief Implementer and Vaccine Czar Secretary Carlito G. Galvez Jr. ang mga bakunang AstraZeneca ay nakalaan din sa isasagawang 3 day national vaccination ngayong darating na Nov. 29 hanggang December 1.

Pero paglilinaw ni Galvez na prayoridad pa rin sa mga natitirang bakuna sa bansa ay ang mabigyan ng kumpletong bakuna ang nasa 70 milyong pilipino na hindi pa nababakunahan.

Giit ni Galvez hindi pa napapanahon ang booster shot sa general population.

Sa ngayon aniya, nasa A-1 hangang A-3 category pa lang ang binibigyan ng booster shot.

Samantala, nasa kabuuang 135,161,900 doses ng COVID-19 vaccine ang tinanggap na ng Pilipinas simula Pebrero ng taong ito.

Sa bilang na ito 90,799,680 dito ay binili ng gobyerno ng Pilipinas, 29,071,220 ay donasyon sa bansa sa pamamagitan ng Covax, habang ang 7,983,260 naman ay binili ng mga pribadong sektor at LGU’s at ang 7,307,740 doses ng bakuna ay donasyon mula sa ibang mga bansa.

Inaasahan din ang pagdating ng 609,570 doses ng Pfizer vaccine na binili naman ng gobyerno ng Pilipinas.

Ang Pfizer vaccines ay lulan ng Air Hong Kong Flight lD 456 na inaasahang lalapag sa NAIA Terminal -3 ng pasado alas 9:00 mamayang gabi.

SMNI NEWS