NAHARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang walong biktima ng illegal recruitment sa Zamboanga International Seaport.
Sasakay na sana sa MV Antonia patungong Sandakan sa Sabah, Malaysia ang mga biktima na nagpanggap na mga turista nang harangin ng BI.
Sa unang inspeksyon ay kaniya-kaniya ng dahilan ang mga biktima sa kanilang pagtungo sa Malaysia.
Kabilang na umano rito ang pagbili ng welding machinery board, pagbisita sa kaanak at kaibigan, at iba pa.
Pero sa huli, inamin ng mga pasahero na binigyan sila ng trabaho ng isang shipyard at isang engineering firm sa Kuala Lumpur.
Dahil dito, ikinababahala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang patuloy na banta ng human trafficking sa pamamagitan ng mga seaport ng bansa.
Hinimok naman ni Tansingco ang mga nais na magtrabaho sa ibang bansa na komunsulta sa mga ahensiyang awtorisado ng gobyerno at nagbibigay ng lehitimong trabaho sa abroad.
Sa ngayon ay nai-turnover na ng BI ang walong pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa gagawing imbestigasyon.