8 distressed OFWs mula sa Saudi, tinulungang makauwi ng OFW Party-list

8 distressed OFWs mula sa Saudi, tinulungang makauwi ng OFW Party-list

TINULUNGANG makauwi ang 8 distressed overseas Filipino workers (OFWs) sa bansa ng OFW Party-list mula Riyadh, Saudi Arabia nitong Lunes ng gabi Hunyo 5, 2023.

Pinangunahan ni OFW Party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino ang pagsalubong sa kanila sa Terminal-3, Ninoy Aquino International Airport.

Ayon sa kongresista simula Nobyembre 2022 nagsimulang tanggalin ang 8 OFWs ng kanilang kompanya sa Riyadh dahil hindi sila pumasok noong holiday ng naturang buwan.

Paliwanag ni Marjoy at Joyce, pinagawa sila ng apology letter ng kanilang kompanya dahil sa hindi nila pagpasok noong araw ng holiday sa Riyadh.

Mahigit 100 silang worker ang hindi pumasok pero 8 lamang sila ang hindi gumawa ng apology letter.

Dahilan nila, wala silang nilabag na batas dahil nakasanayan nila na tuwing holiday ay walang pasok.

Lumapit na rin ang OFWs sa Polo Riyadh para pauwiin na lamang sila ng Pilipinas kaysa nakatambay lamang sila ng ilang buwan sa isang shelter ng kanilang kompanya na walang ginagawa.

Pero tila matatagalan sila sa proseso kaya humingi sila ng tulong sa OFW Party-list.

Ayon din kay Magsino, sa halip na sila ang magpadala ng pera sa kanilang pamilya, sila na lamang ang binibigyan ng kanilang pamilya mula sa Pilipinas para may magagastos pambili ng pagkain at pangangailangan nila sa Saudi.

Sa ngayon, aalamin pa ng mambabatas kung may nilabag ang kanilang recruitment agency sa mga OFW.

Bukod sa OFW Party-list, tutulong din ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa iba pang karampatang tulong ng mga naturang distressed OFWs.

Follow SMNI NEWS in Twitter