INILAHAD ni MMDA Chairman Benhur Abalos na walo sa 17 Metro Manila mayors ang hindi pabor na isailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila ngayong Marso.
Ito ang sinabi ni Abalos sa isang press conference matapos ang nangyaring botohan sa pagpupulong ng Metro Manila Council noong nakaraang araw.
Ayon kay Abalos, bumoto ang mga ito na manatili sa GCQ status ang Metro Manila dahil natatakot ang mga ito na maulit muli ang matinding lockdown na lubhang nakaapekto sa mga mamamayan.
Aniya nauubos na rin ang pera ng mga lokal na pamahalaan.
Siyam naman ang pabor na ilagay ang lugar sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Sang-ayon din ang mga alkalde na payagang lumabas ang mga edad 15 anyos hanggang 65 anyos.
Ani Abalos isa sa mga dahilan ng mga Metro Manila mayors kung bakit luwagan ang quarantine status at paliwigin ang age restrictions ay para matulungan na makabawi ang bagsak na ekonomiya ng bansa.
Magsisimula ang MGCQ status ng Metro Manila ngayong Marso 1.
Samantala, patuloy pa rin ang talakayan ng mga alkalde hinggil sa pagbubukas ng mga sinehan sa malls.
Nanawagan din ang mga Metro Manila mayors na luwagan na ang passenger capacity sa sa mga pampublikong sasakyan mula 50% hanggang 75%.
Kamakailan, nanawagan ang National Economic and Development Authority (NEDA)na luwagan na sa MGCQ ang Pilipinas simula Marso para tuluyang makaahon ang ekonomiya ng bansa.
Tinatayang nasa kabuuang P1.04 trilyon ang nawala sa ekonomiya ng bansa noong 2020.
Sinabi ni NEDA Director-General Karl Chua noong Marso nakaraang taon na maraming negosyo ang nagsara dahil inilagay ang Metro Manila sa pinakamahigpit na quarantine status.