8 miyembro ng teroristang grupo, nagbalik-loob sa Maguindanao del Sur

8 miyembro ng teroristang grupo, nagbalik-loob sa Maguindanao del Sur

TULUYANG iniwaksi ng walong mga dating miyembro ng teroristang grupo ang kanilang armadong pakikibaka, makaraang magbalik-loob na sa pamahalaan.

Ayon kay Lt. Col. Udgie Villan, pinuno ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion, na iniharap ng walo ang kanilang mga sarili sa himpilan ng 33IB sa Brgy Zapakan, Radjah Buayan lalawigan ng Maguindanao del Sur, nitong ika-8 ng Agosto, 2024.

“Ang walang humpay na pagtugis sa kanila ng ating tropa, bukod sa hirap, pagod at gutom sa kabundukan, ang nag-udyok sa walo para magbalik-loob sa pamahalaan”, ayon pa kay Lt. Col. Villan.

Bitbit ng walo ang kanilang mga kagamitang pandigma sa kanilang pagbalik-loob sa pamahalaan na kinabibilangan ng: isang Cal .45; isang Cal. 38 pistol; isang Cal .30 carbine rifle; isang 5.56mm revolver pistol; isang M203 launcher grenade; isang 40mm light rocket launcher; isang M1 garand rifle; isang 5.56mm light machine gun; mga magasin at mga bala.

Agad namang iprenisinta ni Lt. Col. Villan ang walong mga dating nabiktima ng maling ideolohiya at sirkumstansiya kay Brigadier General Oriel Pangcog, ang Brigade Commander ng 601st Brigade. Ang simpleng programa ay dinaluhan din nina Sittie Janine Gamao, ang Peace Program Officer ng MPOS BARMM kasama si Roger Dionisio, ang Focal Person ng AGILA HAVEN.

Matatandaan na ang AGILA HAVEN ay programa ng Provincial Government ng Maguindanao del Sur na tumutugon at tumutulong sa lahat ng mga nagbabalik-loob sa pamahalaan mula sa nasabing lalawigan.

Sa ngayon, isinailalim na sa beripikasyon ang mga sumuko at inisyal na nabigyan ng tulong pangkabuhayan at mga iba pang programa ng gobyerno sa kanilang pagbabagong buhay.

Ikinagalak naman ni Major General Antonio Nafarrete, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang pagsuko ng walong dating myembro ng teroristang grupo. Kasabay nito, nananawagan naman ang Division Commander sa nalalabi pang naiwan sa grupo na magbalik-loob na sa gobyerno at yakapin ang inaalok na kapayapaan ng pamahalaan.

“Biktima lamang kayo ng panlilinlang at maling impormasyon, kaya nandito ang inyung kasundaluhan at ang ating gobyerno para kayo ay tulungan at maibalik sa tamang landas”, pahayag pa ni Maj. Gen. Nafarrete.

 

Editor’s Note: This article has been sourced from the Philippine Army Facebook Page.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble