NAARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang labing dalawang indibidwal dahil sa umano’y pangongotong na kinabibilangan ng walong suspek na fixer ng NBI clearance at apat na NBI personnel dahil sa paglabag sa anti-graft laws.
Sanib-puwersa ang NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD) at NBI-Special Task Force (NBI-STF) sa operasyon matapos makatanggap ng impormasyon na mayroong empleyado ng NBI na nakikipagsabwatan sa mga “fixer” para mapabilis ang pagkuha ng NBI clearance kapalit ng halagang walundaang piso hanggang dalawang libong piso.
Noong Enero a-sais, isinagawa ang entrapment operation sa NBI Clearance Center, na nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na empleyado ng NBI-ICTD (Information and Communication Technology Division) at walong “fixer”.
Sinabi ni NBI Director Jaime B. Santiago, nakababahala din ang ginagawang operasyon ng mga suspek kasabwat ang kanilang mga emplyedo dahil kayang bigyan ng mga ito ng NBI Clearance kahit na may criminal record ang mga aplikante na naninigil ng P10,000 hanggang P20,000
Nahaharap ang mga nadakip sa mga kasong Direct Bribery (Article 210 ng Revised Penal Code), paglabag sa R.A. No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), R.A. No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), at R.A. No. 11032 (Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018) kaugnay ng R.A. No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Iniharap sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) noong Enero a-siyate, ang mga suspek.
Binigyang-diin ni Director Santiago na wala nang lugar ang katiwalian sa ilalim ng kanyang pamumuno at magiging mahigpit siya sa pagtugis sa mga lalabag sa batas.
Tiniyak ni Director Santiago na patuloy pa rin ang kanilang ginagawang monitoring hindi lamang sa mga fixer kundi sa kanilang empleyado.