8 pulis ng PNP-CIDG, huli dahil sa extortion sa Pampanga

8 pulis ng PNP-CIDG, huli dahil sa extortion sa Pampanga

DISMAYADO ang pamunuan ng PNP-CIDG dahil sa pagkakasangkot ng walo nitong tauhan sa Angeles City Pampanga sa isang insidente ng robbery sa pitong Chinese nationals at isang Pilipino.

Kinilala ng PNP CIDG ang mga ito na sina Police Major Ferdinand Mendoza, Police Staff Sergeant Mark Anthony Reyes Iral, Police Staff Sergeant Sanny Ric Alicante, Police Corporal Richmond Francia, Police Corporal John Gervic Fajardo, Police Corporal Kenneth Rheiner Ferrer Delfin, Patrolman Leandro Veloso Mangale at Patrolman Hermogines Rosario Jr.  na pawang miyembro ng PNP CIDG Anti-Organized Crime Unit (AOCU).

Ang modus ng grupo ay nagsagawa ang mga ito ng isang hindi lehitimong buy bust operation sa isang bahay ng mga banyagang Tsino.

Nangyari ang insidente sa isang subdibisyon sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga gabi ng Enero 25 2022 hanggang ala una ng madaling araw ng Enero 26.

Ayon pa kay MGen. Arnel Inagtius Ferro, Chief, CIDG, iginiit ng mga naarestong pulis na buy-bust operation ang kanilang ginawa pero kalauna’y napag-alaman na hindi ito otorisado para magsagawa ng nasabing operasyon.

Nakuha naman ng CIDG ang P300, 000 cash, ilang US dollar bills, service firearm ng mga pulis at ang ginamit nilang sasakyan.

Nahaharap ngayon sa kasong robbery at extortion ang mga pulis na kasalukuyang nakapiit sa CIDG Angeles City Field Unit habang umuusad ang imbestigasyon kaugnay sa insidente.

Samantala, ikinalungkot mismo ni Ferro ang pangyayari dahil aniya nadungisan ang magandang imahe ng CIDG lalo pa’t ilang buwan nalang ay magriretiro na rin siya sa pwesto.

Kasama rin sa iimbestigahan ang mga Chinese nationals kaugnay sa posibleng operasyon ng mga ito bilang offshore gaming o POGO kung lehitimo nga o rehistrado ang operasyon ng mga ito.

Sa ngayon, agad ring irirekomenda ang kasong adminsitratibo oras na matapos na ang kanilang malalimang pagsisiyasat.

Follow SMNI News on Twitter