80% ng 400 POGOs, tumigil na sa operasyon ayon sa PAOCC

80% ng 400 POGOs, tumigil na sa operasyon ayon sa PAOCC

NASA 400 na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang minomonitor ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong 2024.

Ayon kay PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz, 80 porsyento rito ang tumigil na sa operasyon, gayunman, patuloy pa ring susuriin ng ahensiya ang kanilang datos para sa tiyak na bilang ng tuluyan nang nagsara at kung ilan pa ang kanilang hahabulin o huhulihin.

‘’But iyong pagtigil nila na iyon, it doesn’t mean na talagang totally tumigil sila. Iyon nga iyong hinahabol natin, mga small-scale. Kaya siguro by itong year na ito, talagang magkakaroon na tayo ng data,’’ ayon kay Usec. Gilbert Cruz Executive Director, PAOCC.

Ibinahagi naman ng opisyal na ang mga binabantayang small scale operations ng POGO sa Metro Manila at Northern Luzon, ay posibleng lumipat naman sa Visayas at Mindanao.

Kaya naman tinututukan na rin ng ahensiya ang mga lugar na posibleng nilipatan ng mga ito.

Katuwang ang Bureau of Immigration (BI), ani Cruz, nasa humigit-kumulang 27,000 na ang napaalis ng bansa na mga dayuhang manggagawa sa POGO.

Ito ay mula sa 40,000 na POGO workers na pumasok sa bansa noong 2024.

Nabatid na downgraded na ang working visa ng mga ito sa tourist visa.

‘’Kaya iyong mga foreigners na mahuhuli natin ngayon na nakaupo pa sa mga computers at nagtatrabaho, ibig sabihin, mga undesirable alien na iyan; hindi na dapat sila magtatrabaho dito dahil mga tourist sila eh,’’ saad ni Usec. Gilbert Cruz.

Sa kabilang banda, nabanggit ni Cruz na may ilang problema ring iniwan ang foreign workers na ito tulad ng binansagang ‘POGO babies.’

Sabi ng opisyal, pinaplano na rin nilang pagkalooban ng tulong ang mga naiwang nanay at anak nito.

Nasa 2 months old ang pinakabata na natuklasan nilang POGO babies habang 2 years old ang pinakamatanda. Mayroon namang tatlo pang nagdadalantao na minomonitor.

‘’Nagugulat na lang kami na kapag magdi-deport na kami ng mga POGO workers or foreign nationals na involved sa POGO, may biglang yayakap doon sa tatay o kaya tapos iyong nanay may dala-dalang bata,’’ dagdag nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble