80% sa PNP, handang magpabakuna laban sa COVID-19

MARAMI pang Philippine National Police (PNP) personnel ang handang magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ayon kay PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Guillermo Eleazar.

Aniya, sa resulta ng isang survey umabot sa 80% sa puwersa ng kapulisan ang nais na mabakunahan.

Nakaraang unang bahagi ng buwan ng Pebrero 49% sa mga pulis ang atubiling magpabakuna ngunit unti-unting tumataas ang bilang ng mga pulis na nais nito.

Ayon kay Eleazar, naging positibo ang tugon sa isinagawang information dissemination campaign ng PNP Health Service at mga nakatataas na opisyal.

Hanggang Marso 11, nasa 1,407 police front-liners ang nabakunahan habang 1,572 ang nakapagrehistro.

Sa mga nabakunahan, 27 ang nakaranas ng minor adverse reactions.

Nagsimula ang unang bakunahan sa PNP noong Marso 1 bilang bahagi ng vaccination campaign ng bansa kung saan 125 personnel nakatanggap ng COVID-19 vaccine at 180 personnel ang nabakunahan noong Marso 2.

Nasa kabuuang 253 ang nabakunahan sa Marso 3 at 327 sa Marso 4 habang 209 sa Marso 5.

Ayon kay Eleazar, 1,200 dosis ng CoronaVac vaccine ang inilaan para sa PNP na tumaas mula sa inisyal na 800 dosis.

Samantala, hanggang Marso 11, pumalo na sa 11,896 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa PNP matapos madagdagan ng 66 pulis na tinamaan ng sakit.

Nasa 11,193 PNP personnel ang gumaling sa sakit, 671 ang active cases habang 32 ang bilang ng nasawi.

 

SMNI NEWS