NAKAKALAT na ang 800 tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang lugar sa Albay.
Ito’y kasunod ng aktibidad ng Bulkang Mayon na ngayon ay nasa Alert Level 3.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, nakapuwesto ang kanilang mga tauhan sa public school buildings, evacuation centers, at mga estratehikong lugar sa Albay.
Nais aniya nilang matiyak ang kaligtasan ng evacuees at mga residente malapit sa danger zone.
Tiniyak naman ni Fajardo na nakahanda ang kanilang reactionary standby support force (RSSF) sakaling kailanganin sa lalawigan partikular na sa paglilikas sa ilan pang apektadong residente.