83% ng mga Pilipino, umaasa na lumipas na ang pinakamalalang krisis sa COVID-19 – SWS

83% ng mga Pilipino, umaasa na lumipas na ang pinakamalalang krisis sa COVID-19 – SWS

UMAASA ang 83% ng mga Pilipino na lumipas na ang pinakamalalang krisis sa COVID-19 sa bansa.

Batay sa Social Weather Survey (SWS), ito ay 3% na mas mataas mula sa 80% na naitala noong Disyembre 2021 at halos doble na mas mataas sa 44% na naitala nang unang tanungin ito ng SWS noong Mayo 2020.

Habang bumaba sa 16% ang natatakot na mas lalala pa ang COVID-19 crisis nitong Abril 2022 mula sa naitalang 19% noong Disyembre 2021.

Natuklasan din sa Abril 2022 survey na 74% sa mga Pilipino ang lubos na nababahala na tamaan siya o sinuman sa kanyang immediate family ng COVID-19.

Habang nasa 14% ang medyo nababahala, 4% ang nababahala nang kaunti at 8% ang hindi nababahala.

Kumpara sa mga nakaraang survey ng SWS, mas malaki ang pag-aalala ng mga Pilipino na mahawaan ng COVID-19 kaysa sa pag-alala na mahawaan ng mga nakaraang virus gaya ng ebola, swine flu, bird flu, at severe acute respiratory syndrome (SARS).

Isinagawa ang First Quarter 2022 Social Weather Survey mula Abril 19-27, 2022 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,440 Filipino adults.

Follow SMNI NEWS in Twitter