NAMAHAGI ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng 84 bagong ambulansya sa ilang city at municipal fire station sa buong bansa.
Ito ay upang mapaigting ang kanilang kakayahang tumugon sa mga sakuna lalo na sa panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, Jr, ang pamamahagi ng mga bagong ambulansya ay katuparan ng pangako ng pamahalaan na siguruhin ang kaligtasang pampubliko.
Pinuri din ng kalihim ang 34,000 fire officers na nagsisilbing frontliner at pinoprotektahan ang buhay ng mga mamamayan tuwing may emergency at kalamidad sa kabila ng pagkukulang sa pasilidad at kagamitan.
Sinabi ni Abalos na ang 84 ambulansya ay ipamamahagi sa Regions 5 at 7 na may tig-pitong unit; Regions 1, 8, 9 at Caraga na may tig-anim na unit, Regions 2, 6, 11, Calabarzon, Mimaropa at Cordillera Autonomous Region na nakatanggap ng tig-lilimang unit; at sa Regions 3, 10, 12 at Bangsamoro Autonomous Region na binigyan ng tig-aapat na unit.