PATULOY na nakatutulong ang Villar SIPAG sa mga maliliit na negosyo.
Halos maiyak sa tuwa si Avon Joy Reformado ng Brgy. Pulang Lupa ng Las Piñas City.
Si Avon Joy kasi, kasama ang kaniyang kapatid at ang kaniyang tatay, ang nanalo sa Las Piñas Food Festival ngayong taon.
Sa halos isang oras na preparasyon, nabuo ng pamilya ang kanilang katakam-takam na entry na espesyal na upo pie, tuna sisig tacos, at mutya ng Las Piñas soup.
Ang kanilang grupo ay nanalo ng trophy at P20-K.
“Sobrang halaga ang award na ‘to kasi may online business kami. Feeling ko maboboost na ‘yung online business namin,” ayon kay Avon Joy Rey-Reformado, Brgy. Pulang Lupa, Champion, 8th Las Piñas Food Festival.
Ang 8th Food Festival at ang kasabay nito na Urban Gardening Competition ay inorganisa ng Villar SIPAG Foundation sa pangunguna ni Senator Cynthia Villar bilang managing director.
Layunin nito na i-promote ang urban gardening, isulong ang food sufficiency at makatulong na rin sa mga maliliit na negosyo.
“Magandang project to … Advance congratulations sa mga winners,” pahayag ni Sen. Cynthia Villar, Managing Director, Villar SIPAG.
Sa nangyaring competition, personal na nag-ikot ang senadora kasama ang kaniyang mga anak na sina Senator Mark at Congresswoman Camille Villar upang saksihan ang ginawang pagluluto ng mga contestants.
Sa isang panayam, ikinatuwa ng senador ang patuloy na dumadaming kalahok sa nasabing kompetisyon.
“Siguro maraming categories, maraming premyo… Lahat ng barangay may contestant,” ayon pa kay Sen. Villar.