9 kasunduan, nilagdaan ng Pilipinas at Qatar kasunod ng state visit ng Qatari Amir sa bansa

9 kasunduan, nilagdaan ng Pilipinas at Qatar kasunod ng state visit ng Qatari Amir sa bansa

NAGKAROON ng ceremonial signing ng ilang Memorandum of Understanding (MOUs) sa pagitan ng Pilipinas at Qatar sa Palasyo ng Malacañang nitong Lunes, Abril 22.

Kasabay ito ng state visit ng Amir ng Qatar na si Sheikh Tamim Bin Hamad Al-Thani sa Pilipinas sa imbitasyon ng presidente ng Pilipinas.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang mga nasabing kasunduan ay sumasaklaw sa kooperasyon tulad ng waiver ng visa requirements para sa mga may hawak ng diplomatic at special/official passport; palakasan o sports; mga kabataan; paglaban sa human trafficking; capacity building sa climate change; turismo at business events; at kapakanan ng mga marino.

Ang iba pang MOU na nilagdaan ay sa pagitan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry at ng Qatar Chamber of Commerce and Industry at sa pagitan ng Davao City Chamber of Commerce and Industry at ng Qatar Chamber of Commerce and Industry.

Saad ng lider ng Qatar, ang mga nilagdaang kasunduan ay lalong magpapaangat sa komunikasyon ng dalawang bansa.

Nag-host ang Malacañang ng state luncheon bilang parangal sa Qatari Amir.

Bago nito, ang mga lider ng Pilipinas at Qatar ay nakibahagi sa isang bilateral meeting at nasaksihan ang pagpapalitan ng mga nilagdaang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang Qatar ay nagsisilbing pangalawang tahanan ng hindi bababa sa 242,609 na Pilipino.

Noong 2022, umabot sa $895.33 milyon ang mga remittance sa Pilipinas mula sa Qatar.

Ang pormal na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa ay umabot ng 43 taon pagkatapos ng pormal na pagkakatatag nito noong Mayo 5, 1981.

Nitong hapon ng Lunes, bumiyahe na paalis ng bansa si Sheikh Tamim matapos ang kaniyang dalawang araw na state visit sa Pilipinas.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble