PATULOY na nagbubunga ng positibong resulta ang mga pagsisikap ng pamahalaan upang tugunan ang problema ng insurhensiya sa Silangang Visayas matapos sumuko ang siyam na kasapi ng Sub-Regional Guerrilla Unit (SRGU), SRC Emporium, sa 19th Infantry Battalion (19IB), 8th Infantry Division ng Philippine Army, noong Pebrero 13, taong kasalukuyan.
Ang mga sumukong rebelde, na kinilala sa kanilang mga alyas na Amboy, Jhonry, Lenlen, Adi, Bobby, Ostoy, Boy, Nap, at Yutot, ay personal na nagtungo sa himpilan ng 19th Infantry Battalion sa Brgy. Opong, Catubig, Northern Samar.
Ayon sa mga dating rebelde, nagdesisyon silang isuko ang kanilang armas, talikuran ang armadong pakikibaka, at bumalik sa ilalim ng batas dahil sa matinding gutom at pagkawala ng suporta mula sa komunidad.
Kasabay ng kanilang pagsuko, isinuko rin ng grupo ang isang R4 rifle, dalawang M16 rifle, dalawang improvised M14 rifle, isang carbine rifle, isang anti-personnel mine, at dalawang bandolier.
Binigyang-diin ni LtCol. Marvin Maraggun kumander ng 19IB, na ang kanilang pagsuko ay patunay ng dedikasyon ng mga pwersang panseguridad at ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa Northern Samar.
Follow SMNI News on Rumble