9 matataas na kalibre ng baril, nasabat ng militar sa Maguindanao del Sur

9 matataas na kalibre ng baril, nasabat ng militar sa Maguindanao del Sur

SIYAM na matataas na kalibre ng baril ang nasamsam ng tropa ng kasundaluhan matapos magpatupad ng magkahiwalay na checkpoint sa Maguindanao del Sur kahapon, Pebrero 13, 2025.

Agad na ipinag-utos ni Col. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade, ang mabilis na paglatag ng mas pinaigting na military checkpoint kasunod ng isang insidente ng pamamaril laban kina ABC President Edris Sangki at Barangay Treasurer Abdul Latip ng Brgy. Kaya-Kaya, Datu Abdullah Sangki. Ang insidente ay naganap dakong alas-9:40 ng umaga.

Batay sa imbestigasyon, sakay ng isang puting minivan ang mga suspek nang pagbabarilin nila ang dalawang biktima na noon ay nakasakay sa isang motorsiklo. Agad na rumisponde ang kasundaluhan at nagpatupad ng support to law enforcement operation, na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga armas mula sa mga tumakas na suspek.

Sa isinagawang operasyon, narekober ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion ang tatlong M16A1 Elisco Colt, isang Colt M16, dalawang M14 rifle, limang bandolyer, mga magasin, at bala mula sa inabandonang puting minivan na natagpuan malapit sa Kaya-Kaya detachment dakong alas-3:00 ng hapon. Ito ay kinumpirma ni Lt. Col. Udgie Villan, pinuno ng 33IB.

Samantala, dakong alas-4:30 ng hapon, nakarekober naman ang 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion, sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Loqui Marco, ng isang M653 at dalawang M14 rifle mula sa isang abandonadong bahay sa Sitio Buluan, Barangay Kakal, Ampatuan matapos ang sumbong ng mga residente sa lugar.

Pinuri ni Brigadier General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force-Central, ang mabilis at epektibong aksyon ng mga kasundaluhan katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.

“Ang agarang pagtugon ng ating tropa ay patunay ng ating patuloy na dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. Sa kabila ng pagtatangkang tumakas ng mga suspek, hindi natin tinantanan ang kanilang galaw, kaya’t matagumpay nating narekober ang mga armas na maaaring magamit pa sa iba pang karahasan ngayong panahon ng eleksiyon,” pahayag ni Brig. Gen. Gumiran.

Patuloy na tinitiyak ng 6ID na mas paiigtingin pa ang kanilang operasyon upang mapanatili ang seguridad at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan sa Maguindanao del Sur.

 

Editor’s Note: This article has been sourced from the 6th CMO (Kasangga) Battalion, CMO Regiment, Philippine Army Facebook Page.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble