9 refrigeration units para sa COVID-19 vaccines ng Lungsod ng Maynila, dumating na

DUMATING na ang siyam na refrigeration units kung saan ilalagay ang mga COVID-19 vaccine na binili ng Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila.

Aasahan rin na sa mga susunod na linggo ay darating ang tatlong iba pa kasabay ng pagkakabuo ng storage facility para sa mga bakuna.

Binisita at ininspeksyon ni Maynila Mayor Isko Moreno Dumagoso kaninang tanghali ang (hospital) kung saan matatagpuan ang naturang refrigeration units.

Paliwanag ni Yorme, iba-iba ang kinakailangang refrigeration system ng bawat klase ng bakuna at inihanda ito ng lokal na pamahalaan ng Maynila upang masigurong maiingatan ang bawat bakuna.

Mula pa sa bansang Germany ang mga refrigeration unit at umabot ng halos P9-M ang halaga ng mga ito.

Ngunit nilinaw ni Mayor Isko mas nakatipid ang lokal na pamahalaan dahil kabilang na sa naturang budget ang 50 transport coolers na gagamitin sa pagbiyahe ng mga bakuna.

Nasa 1.2 million o hanggang 2.5 million vaccines naman ang kapasidad ng mga freezer kung saan lima o hanggang sampung shots ang malalagay sa isang vial.

Kasama naman sa ininspekyon ni Yorme ang storage facility kung saan ilalagay ang lahat ng refrigeration units.

Ayon kay Mayor Isko, karamihan sa mga Manilenyo ay handang magpabakuna base sa bilang ng mga indibidwal na nagparehistro sa manilacovid19.com.

Ngayong araw mahigit sa 72,000 ang nagparehistro.

Muli ring nilinaw ni Yorme na hindi sapilitan ang pagpapabakuna at ang lahat ay may kalayaang pumili.

Bukod sa British company na AstraZeneca, nakipagsundo rin ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa iba pang pharmaceutical company tulad ng Moderna, Johnson &Johnson, Pfizer at iba pa.

Ngunit hindi rin pa tiyak hanggang ngayon kung alin sa mga bakunang inorder ang mauunang darating.

Target naman ng Manila City Government na mabakunahan ang 60% o 2.4 milyong Manilenyo.

Binigyang diin naman ni Yorme na dapat sumunod sa Executive Order 121 ang brand ng bakunang darating, ibig sabihin dapat makakuha ito ng emergency use authorization o EUA mula sa FDA o Food and Drug Administration.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.