90% ng pre-pandemic level flights ng PAL, nakabalik na

90% ng pre-pandemic level flights ng PAL, nakabalik na

NAKABALIK na sa halos 90% ang flights ng Philippine Airlines (PAL) mula nang tumama ang COVID-19 pandemic sa buong mundo.

Ikinatuwa ng PAL ang unti-unting pagbawi ng kanilang mga biyabe matapos ang 2 taon na halos padapain sila ng pandemya.

Sa panayam ng SMNI News kay Cielo Villaluna tagapagsalita ng PAL, 90% na mula sa dating 300 flights o katumbas ng 270 flights kada araw mayroon ang PAL.

“So 90% of 300 flight frequencies both international and domestic flights so makakasiguro ang ating mga pasahero na ang safety standards ng Philippine Airlines are in place. We have our HEPA filters onboard our flights, patuloy po ang disinfection ng ating mga aircraft before and after every flight,” pahayag ni Villaluna.

Aniya,  layunin ng PAL na mabigyan ng serbisyo ang lahat ng travelers partikular na ang mga OFWs na bumabalik sa kani-kanilang trabaho abroad.

Malaking porsyento ng mga OFW ang nagtutungo sa Gitnang Silangan.

Payo naman ni Villaluna sa lahat ng pasahero, maging sa OFWs na i-check sa website ng bansa na kanilang pupuntahan para sa travel requirements.

Para naman sa mga local travelers, kailangan dalhin ang vaccination card, booster card or vax certificate.

Para sa mga international travelers, kailangan kumuha ng International Certificate of Vaccination mula sa Bureau of Quarantine (BOQ) kung san para makakuha nito ay kailangan magpa-schedule online sa website ng BOQ.

Nire-require pa rin ang pag-access sa One Health Pass ng mga dumarating na pasahero sa Pilipinas.

Follow SMNI News on Twitter