INIHAYAG ni LTFRB Chairperson Attorney Cheloy Garafil na patuloy ang pamamahagi nila ng fuel subsidy sa mga operator at drayber ng public utility vehicles na apektado ang hanapbuhay dahil sa pandemya at pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa gitna nito, ipinapaalam niya na sa kasalukuyan ay nasa 98 porsiyento sa mga PUV driver ang nabigyan na ng naturang ayuda.
Pero hamon para sa ahensiya ang mga nabibigyan ng fuel subsidy partikular sa mga operator o drayber na nagbenta na ng kanilang prangkisa.
Sinabi pa ng LTFRB chief, masusi nila itong tinitingnan dahil isa ito sa kalimitang reklamong natatanggap mula sa mga drayber.
Dagdag naman ni Garafil, posibleng palawakin pa ang pamamahagi ng fuel subsidy sa ikatlong pagkakataon na posibleng maibibigay sa susunod na taon.
Pero sa ngayon ito ay nasa deliberation pa ng mga opisyal pero kumpyansa naman ang kalihim na maipapasa ito upang patuloy na matulungan ang mga operator at drayber na apektado ng krisis.
Samantala, pumalo na sa 162,147,489 ang kabuuang bilang ng mga naserbisyuhan ng Libreng Sakay sa bansa simula Abril 11-Agosto 9, 2022.
Ang naturang Libreng Sakay ay nasa ilalim ng Service Contracting Program Phase 3 ng DOTr, katuwang ang LTFRB.
Layunin ng programa ng pamahalaan na matulungan ang mga operator at drayber na apektado ang kabuhayan dahil sa pandemya.
Mababatid, muling umarangkada ang Service Contracting Program Phase 3 sa ilalim ng General Appropriation Act 2022 noong Abril 11, 2022.