NAGPAPATULOY ngayon araw ang pagbabakuna sa mga medical frontliner gamit ang Sputnik V vaccine sa lungsod ng Maynila.
Ang pagbabakuna sa A1 Group o medical frontliner ng Sputnik V ay para sa mga hindi pa nabakunahan kontra COVID-19 at gagawin ito sa Sta. Ana Hospital at Ospital ng Maynila.
Sa isang special report kagabi sa Facebook page ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, binibigyan lamang ng dalawa hanggang tatlong araw na magpabakuna gamit ang Sputnik V vaccine ang mga medical frontliner sa lungsod ng Maynila at pagkatapos nito, ibababa ang pagbabakuna sa A2 Group o sa senior citizens at A3 group na may comorbidities.
Kahapon, Mayo 4, sinimulan na ang pagbabakuna sa mga medical frontliner sa lungsod ng Maynila gamit ang nasabing bakuna.
Pinangunahan naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang deployment ng bakuna sa Sta. Ana Hospital.
Dumating ang 3,000 dosis ng Sputnik vaccine sa lungsod ng Maynila nito lamang Lunes na agad diniretso sa cold storage facility sa Sta. Ana Hospital.
Samantala, umabot sa 165 na mga medical frontliner ang binakunahan kahapon.
Dahil dito, umabot na sa 79,808 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal ang nabakunahan kontra COVID-19 sa lungsod ng Maynila.
(BASAHIN: Rollout ng Sputnik V, umarangkada na sa 4 na lungsod sa Metro Manila)