Abiso para sa mga piloto, pinalawig ng CAAP para sa mga flight malapit sa Bulkang Kanlaon

Abiso para sa mga piloto, pinalawig ng CAAP para sa mga flight malapit sa Bulkang Kanlaon

MULING pinalawig ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang Notice to Airmen (NOTAM) para sa mga flight na malapit sa Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental.

Sa naturang NOTAM, pinapayuhan ang mga piloto na iwasan na dumikit sa bulkan.

Epektibo ang bagong NOTAM mula 5:18 ng hapon nitong Disyembre 10 hanggang Disyembre 11, 2024, 3:31 ng hapon.

Saklaw rito ang mga sasakyang panghimpapawid na may vertical limits mula sa surface hanggang 10,000 feet.

Pinapayuhan ang mga flight operator na iwasan ang paglipad malapit sa bulkan dahil sa posibilidad ng biglaang steam-driven o phreatic eruptions at precursory magmatic activity na maaaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid.

Samantala, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), tatlong linggo na lang nila oobserbahan ang bulkang inaasahang muling mag-aalboroto.

Kung sakaling itaas ang Alert Level 4 sa bulkan, palalawakin pa sa 10-kilometer radius ang danger zone sa paligid ng Bulkang Kanlaon.

Ibig sabihin, ang lahat ng mga residenteng sakop nito ay kailangang lumikas.

Ayon naman sa Malacañang, may pondong inilaan ang gobyerno para sa mga nananatili at mananatili pang residente sa evacuation centers malapit sa Bulkang Kanlaon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter