ABS-CBN franchise, may pag-asa basta’t ayusin ang problema — Rep. Defensor

MAY pag-asa ang franchise renewal ng ABS-CBN basta’t aayusin nito ang kanilang mga problema at violations ayon sa ipinaliwanag ni Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor sa panayam ng SMNI News ang sitwasyon ng Kapamilya Network.

“Malaki ito, may pondo ito, kaya nitong gawin at kaya nitong buhayin ang kanilang prangkisa. Ang kailangan nating makita…nakalagay kasi doon eh sa franchise conditions, malinaw na malinaw kung ano ‘yung nakasaad na mga kondisyon na kung ano ang dapat nilang gawin at kung ano ang dapat nilang i-comply sa batas para magkaroon ulit ng renewal ng prangkisa,” pahayag ni Defensor.

Ani Rep. Defensor, kahit pa aniya magkaroon ng change of leadership sa nasabing network kung hindi naman nai-settle ang mga problema, hindi pa rin aniya ito makatutulong sa renewal ng kanilang prangkisa.

“Nagkaroon ng change of ownership at idedeklara nila ito dahil parang sinasabi nila na ‘teka, iba na ang may-ari, kami na ‘yung board,’ I’m not just referring to the Lopezes, puwedeng buong board nila na maaari nating sabihin nagkamali o nagkaproblema noong nakaraan. Puwede nilang sabihin, ‘ito ang naging problema namin’ pero siyempre ang unang tanong ng marami maging sa Kongreso, natapos niyo na ba ang violations?” ayon pa kay Defensor.

Kaugnay naman sa inihain na Senate Bill No. 1967 ni Senate President Vicente Sotto III kung saan layunin nitong mabigyan muli ng bagong franchise ang ABS-CBN, sinabi ni Defensor na wala naman din itong kapangyarihan para matulungan ang nasabing broadcasting network.

“Na ang pag-file ng isang private bill o isang franchise bill katulad nito dahil ito ay isang negosyo, ay manggagaling…it should ‘exclusively originate’ ‘yan ang term ng ating konstitusyon Section 24 Article 6, exclusively originate from the House of Representatives. Ang Senado ay puwedeng mag-propose or mag-concourse sa mga amendments na ginawa ng Kongreso,” paliwanag ni Defensor.

Samantala, sa usaping pagkatanggal ni Rep. Defensor bilang chairman ng Public Accounts Committee, sinabi nyang walang problema sa kanya basta’t sanay kinausap lang man siya ni House Speaker Lord Allan Velasco tungkol dito.

Ayon kay Defensor, marami umanong pagkakataon na maaari siyang makausap ni Speaker Velasco tungkol dito pero ni-isang tsansa, hindi ito nai-open sa kanya.

SMNI NEWS