ABS-CBN, wala nang babalikang Channel 2 –franchise expert

ABS-CBN, wala nang babalikang Channel 2 –franchise expert

TINIYAK ng franchise expert na si Atty. Rolex Suplico sa bagong development ngayon sa isyu ng ABS-CBN Franchise na wala na itong babalikang Channel 2.

Ito’y matapos igawad ng National Telecommunications Commission (NTC) ang provisional authority sa ibang kumpanya para doon sa frequencies na ipinahiram ng pamahalaan sa Kapamilya Network.

Sa pasya ng NTC, pinayagan nila ang Advanced Media Broadcasting System (AMBS) na umano’y pag-aari ng pamilya Villar na makapag-operate ng digital TV sa Metro at Mega Manila gamit ang Channel 16.

Pinayagan rin ng NTC ang AMBS na mag-test broadcast sa Analog TV gamit ang Channel 2- ang dating channel ng ABS.

Dahil dito ay malabo na ang pag-asa na mabawi ng Kapamilya Network ang mga hinawakang channel.

‘Wala siyang karapatan doon sa frequency niya dati. Bakit? Kasi ang may-ari ng frequency po ay ang estado. So kung ikaw ay kukunin uli ng estado ang frequency dahil katulad ng ABS-CBN wala kanang prangkisa ay maaaring ipamimigay yan sa ibang entity na mayroon namang prangkisa,’ paliwanag ni Suplico.

Ayon sa NTC, tatagal ang test broadcast gamit ang Channel 2  hangga’t hindi ipinapatupad ang ‘analog shut-off’ sa bansa.

Sa ilalim nito, phase out na ang lumang analog channels sa bansa at digital channels na lamang ang mag-ooperate.

Matatandaan na iba’t ibang paglabag ang nadiskubre ng Kamara laban sa dating network giant dahilan upang ibasura ng House of Representatives ang kanilang franchise application.

‘On the bigger picture, nakita ko na for the first time ang Kongreso po ay tumayo against an oligarch. Never nangyari ito sa ating bansa. Kasi kilala natin ang ABS-CBN, yan po ay gumagamit ng media as a weapon,’ ani Suplico.

Nagtrending naman sa Twitter ang hashtag Channel 2. Magkahalong suporta at pagkontra ang komento ng netizens sa ginawa ng NTC.

Ngunit sa eksperto, malinaw ang mga naging paglabag kaya wala na sa ere ang dating malaking network.

‘Pero alam niyo binabantayan din namin nationwide eh. May iba ang sabi daw na baka mamaya yung advance media kinuha yung sa buong bansa ang TV frequencies ng ABS-CBN. Hindi na pa namin alam yun ha,’ ani Suplico.

Sa ngayon ay wala pang balita kung naigawad na ba sa ibang entity ang mga AM at FM frequencies na dating hawak ng ABS-CBN.

Follow SMNI News on Twitter