NASAWI ang isang leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa isang engkuwentro ng tropa ng gobyerno habang nasagip naman ang huling Indonesian na isa sa mga biktima sa pandurukot ng grupo sa Kalupag Island, Tawi-Tawi.
Kinilala ang nasawing ASG leader na si Majan Sahidjuan alias Apo Mike, namatay dahil sa kawalan ng dugo matapos masugatan nang matindi sa engkuwentro.
Kinilala rin ang huling Indonesian na nasagip si Mohd Khairuldin, 15-anyos, na nailigtas kahapon ng umaga, Marso 21, sa nasabing isla.
Si Khairuldin ang isa sa limang mangingisdang Indonesian na dinukot ng mga bandidong ASG noong Enero 16, 2020 sa kalagitnaan ng karagatan ng Tambisan at Kuala Meruap, Lahad Datu, Sabah, malapit sa hangganan ng Pilipinas.
Nagpahayag naman ng kasiyahan si Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr. sa pagkaligtas sa apat na mga nadukot na Indonesian.
“We are happy that all the hostages are safe now and we are also able to neutralize the notorious ‘Apo Mike’ and two of his comrades,” ayon kay Vinluan.
“He (Apo Mike) was severely wounded during the encounter, we tried to save him but his gunshot wounds were fatal,” ayon naman kay Lt. Col. Venjie Pendon, Marine Battalion Landing Team-6 (MBLT-6) commander.
Unang nasagip ang tatlong Indonesians nakaraang Huwebes ng gabi sa Pasigan Island, South Ubian.
Nasawi naman ang isa pa sa limang Indonesians noong Setyembre 29, 2020 kung saan ay binaril ito ng ASG matapos magtangkang tumakas sa kasagsagan ng putukan sa tropa ng gobyerno.
(BASAHIN: Dalawang magkaaway na angkan, inaayos na ang hidwaan; 20 armas isinuko)