Active COVID-19 cases sa Pilipinas, posibleng aabot sa 430-K sa katapusan ng Abril kung hindi ipatutupad ang ECQ sa rehiyon

POSIBLENG pumalo sa 430,000 ang bilang ng COVID-19 active cases sa Pilipinas sa katapusan ng Abril kung hindi magpatutupad ng enhanced community lockdown sa NCR Plus.

Ayon kay Department of Health (DOH) Usec. Maria Rosario Vergeire, ito ay batay sa projections ng mga eksperto sa ilalim ng feasibility analysis of syndromic COVID-19.

Ani Vergeire, makatutulong ang pagptutupad ng ECQ sa pagpapabagal ng pagkalat ng virus.

Magbibigay din aniya ito ng pagkakataon sa health system upang maka-recover sa pagdami ng inaadmit na pasyente.

Matututukan din aniya dito ang pagpapalakas sa implementasyon ng health protocols, case detection, contact tracing at isolation.

Tatagal ang kasalukuyang ipinapatupad na ECQ sa NCR+ bubble hanggang sa Abril 4.

(BASAHIN: Pilipinas, naitala ang mahigit 10-K na panibagong kaso ng COVID-19 ngayong araw)

Mass Testing, hindi irerekomenda ng DOH

Samantala, hindi pa rin inirerekomenda ng DOH ang pagkakasa ng mass testing sa kabila ng nararanasang surge sa COVID-19 cases sa bansa.

Ayon kay Vergeire, walang plano ang pamahalaan na mag-mass testing na aniya simula pa lamang hindi na inaadbokasya ng gobyerno.

Maaari kasi aniya itong pagsimulan ng indiscriminate o magulong testing.

Giit pa ng health official, maging ang ibang bansa ay hindi nagsasagawa ng whole population testing.

Dagdag pa nito, hindi basehan ang nararanasang surge upang i-test ang buong populasyon ng Pilipinas.

Sa pinakahuling tala, umabot sa mahigit 10,000 ang bilang ng naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa sa loob lamang ng isang araw.

SMNI NEWS