Adik na pulis, kulong sa pamamaril ng sibilyan sa Davao del Sur; Kinakasama nito, tulak ng ilegal na droga

Adik na pulis, kulong sa pamamaril ng sibilyan sa Davao del Sur; Kinakasama nito, tulak ng ilegal na droga

KULONG ang inabot ng isang pulis na primary suspect sa isang pamamaril. Ang nasabing insidente ay nauwi sa pagkasawi ng isang pasahero na nakasabayan nito sa bus sa boundary ng Barangay Batasan sa Makilala, Cotabato at sa Barangay New Opon sa Magsaysay, Davao del Sur.

Kinilala ang nagwalang suspek na si Cpl. Alfred Dawatan Sabas ng Police Station 7 sa General Santos City, sakop ng Police Regio­nal Office-12.

Nangyari ito madaling araw ng Disyembre 28, 2024. Mayroon ding dalawang pulis na rumesponde sa insidente mula sa kanilang hindi kalayuang checkpoint na nasagutan nang sitahin nila si Sabas.

Ang mga sugatang pulis ay mga kasapi ng 11th Regional Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-11 na sina Cpl. Kent Maurith Pamaos at Patrolman Russel Love Tapia.

Napag-alamang lasing si Sabas, kasama ang kaniyang live-in partner na kinilalang si Phoenix Marie Delos Santos, na una niyang nakasagutan bago niya inilabas ang kaniyang 9 millimeter pistol at namaril ng mga kapwa pasahero na nagsanhi ng agarang pagkamatay ng biktima na kinilalang si Reynaldo Bigno, Jr.

Batay sa impormasyon, matagal nang pinagdududahan ng kamag-anak ni Sabas na lulong sa “shabu” ang pulis.

Bagay na nakumpirma matapos na magpositibo ito sa isinagawang drug test sa Regional Forensic Unit 11.

Agad na sinampahan ng kasong double frustrated murder si Sabas sa pamamaril sa dalawang kabaro nito habang kasong murder naman ang isinampa sa police suspect dahil sa pagpatay sa sibilyan.

Sa impormasyon ni dating PNP Chief at ngayo’y Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, nagkaroon aniya ng halusinasyon ang pulis na si Sabas habang nakasakay ito sa bus at inakalang may humahabol sa kaniya na mga tao na lulan ng isang van at humingi pa ito ng tulong sa pinakamalapit na police checkpoint.

Giit pa ng senador, dismayado siya sa pangyayari habang ikinalulungkot din nito ang panunumbalik ng ilegal na droga at pagkakasangkot ng mga pulis na lulong din sa ipinagbabawal na mga gamot.

Samantala, napag-alaman din na ang kinakasama ni Sabas na si Delos Santos ay kilala umanong shabu dealer, na naaresto sa entrapment operation sa Kidapawan City noong Pebrero 2024 at nakulong pero nakalaya rin dahil sa isang probation program ng pamahalaan.

Bigo pang makapagbigay ng pahayag ang headquarters ng PNP kaugnay sa nasabing insidente.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter