NAKAPASOK na sa bansa ang mga Afghan national nitong Lunes, ika-6 ng Enero.
Ito ay alinsunod sa naging kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Washington bilang bahagi ng proseso ng pagkuha ng special immigrant visas para sa kanilang paglipat sa Estados Unidos.
Matatandaan na noong Hulyo ng nakaraang taon, pumayag ang Pilipinas na pansamantalang mag-host ng isang U.S. Immigrant Visa Processing Center para sa limitadong bilang ng mga Afghan na nagnanais manirahan sa Amerika.
Ayon kay Teresita Daza, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang mga Afghan na binigyan ng entry visa ay sumailalim sa masusing security vetting at medical screening bago pumasok sa bansa.
Tiniyak din ni Daza na ang gobyerno ng Estados Unidos ang tutustos sa lahat ng gastusin ng mga Afghan habang nasa Pilipinas, kabilang ang pagkain, tirahan, seguridad, medikal, at transportasyon.